Byahe
Nagsisigawan na naman sila. “Dito, dito! Kalibo!” Pinilit ko na lang na magbingi-bingihan. Mahirap kasi. Gusto ko sanang sumakay sa jeep nila kaya lang, siguradong male-late ako. Ang tagal kasi nila maghintay ng pasahero eh. Maghihintay na lang ako ng jeep na galing sa Ibajay para tuloy na agad ang byahe.
Ayun, may paparating na. Sana kaunti pa lang ang sakay para makapili ako ng magandang pwesto. “Dito ne, maluwag pa,” sabi ng kundoktor. Mabuti na lang at kaunti pa lang ang sakay. Kung hindi ay magsasa-unggoy na naman ako sa loob Kapag sa upuan sa gitna ng jeep ako napwesto. Medyo madulas kasi sa upuan itong tela ng palda kong uniporme kaya kailangan mahigpit ang pagkapit.
Siyempre, nakaupo na ako. Tignan ko muna kung sino tong mga kasama ko sa jeep. Nakakalibang din kasi tumingin sa iba-ibang tao. Pwede kang makagawa ng kwento.
Ayun, si kuya na nakaupo sa may pinto ng jeep. Natutulog. Mukhang napuyat kagabi. Nakakatakot baka biglang mahulog. Pero mas nakakatakot, baka tumulo ang laway. Ayun naman si ate sa tabi nya. Malayo ang tingin. Mukhang may problema yata. Tabihan ko kaya at tanungin? Baka sakaling makatulong ako. Kaya lang wala nang espasyo sa tabi nya. Meron kasing estudyanteng nakaupo na abalang-abala sa pagkakabisado sa nakasulat sa papel na hawak nya. Bubulong-bulong habang halos tumirik na ang mata sa kakatingin sa taas. Mukhang nahihirapan siya magmemorya. Ito palang nasa tabi ko, yung magnobyo na madalas kong makasabay sa jeep. Mabuti naman at Mukhang bati na sila. Nung isang araw kasi eh magkatabi sila pero nasa magkabilang direksyon ang tingin at hindi nag-uusap. Ngayon naglalambingan na. May sasakay. Isang grupo pala ng mga estudyante na hayskul. Ang sarap ng tawanan nila at walang tigil na kuwentuhan. Mukhang hanggang Pagbaba na nila ito. Sa bandang likod ng drayber, may isang lalaki. Kakaiba ang porma. Parang ito yata yung sinasabi nilang “rakista”. Naghe-head bang pa eh. Buti na lang maigsi ang buhok Kita yung “earphones”. Kung hindi, eh baka mag-alala kami sa kinikilos niya. Makato na pala. Ang daming sasakay. Ayan malapit nang mapuno. Kaya lang si ate na naunang umupo sa upuan sa gitna eh ayaw umusog. Hindi tuloy makaupo yung iba. Nakasimangot tuloy si Manong Drayber. Konting pilit pa siguro ng kundoktor. Ayan, makakaupo na lahat. Si Manong naman, hindi pa nga nakakaupo si lolo pinaandar na agad yung sasakyan. Parang male-late din siya.
Balik tayo sa ibang pasahero. Si nene, estudyante pala. Hindi ko napansin yung uniporme nya nung una. Sus! Grabe naman ang kolorete. Ang kapal pa ng pulbos. Bakit parang may nag-aaway yata? Ay si lola pala at ang kundoktor. Hindi pa pala alam ni lola na tumaas na ulit ang pamasahe. Kawawa naman si Manong kundoktor. Parang siya ang nag-apruba ng pagtaas ng pamasahe at galit na galit sa kanya si lola.
Ayan, malapit na kaming bumaba. Naku, huminto pa sa gasolinahan. Lalakarin ko na nga lang at mahuhuli na ako. Swerte nga naman.
Bago ako bumaba, isa-isa kong tinignan ang mga kasama kong pasahero. Sa sandaling pinagsamahan namin sa byaheng pa-Kalibo, nakakatuwang isipin na nagkaroon kami ng pagkakatulad. Ang amin pupuntahan at ang Panalangin na makarating kaming ligtas sa aming paroroonan. May mga ngumiti, na ginantihan ko rin ng ngiti bilang pasasalamat sa pagiging bahagi ng ilang sandali sa aking buhay. Maraming byahe pa akong gagawin. Ilang taon pa akong bi-biyahe. At sana, sa mga susunod pang pagkakataon, marami pa akong ngiting makita.
